Simula kahapon Huwebes, Mayo 16, matatanggap na ng mga kwalipikadong empleyado ng gobyerno sa buong bansa ang kanilang midyear bonus, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Ang bonus ay katumbas ng isang buwang batayang sahod at bahagi ng regular na benepisyo sa ilalim ng DBM Budget Circular No. 2017-2.
Kabilang sa mga kwalipikado ay mga empleyadong nakapagsilbi ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon, nasa serbisyo pa rin hanggang Mayo 15, at may “satisfactory” performance rating.
Saklaw ng insentibo ang mga empleyado sa lahat ng sangay ng gobyerno, kabilang ang uniformed personnel. Para sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan, nakadepende ang pagbibigay ng bonus sa pasya ng kanilang sanggunian at pagkakaroon ng pondo.
Inanunsyo rin ng Philippine National Police na naipamahagi na ang bonus sa mahigit 230,000 uniformed at non-uniformed personnel nito.


































