Bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Consumer Rights Day 2025, nagsagawa ang Department of Science and Technology-MIMAROPA (DOST-MIMAROPA), katuwang ang Department of Trade and Industry-Romblon (DTI-Romblon), ng isang seminar-workshop kaugnay sa tamang inspeksyon at pagkakalibrate ng mga non-automatic weighing instruments at fuel dispensers.
Ang dalawang araw na pagsasanay ay dinaluhan ng 40 kalahok mula sa mga lokal na pamahalaan, ahensiya ng pambansang gobyerno, at mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Tinalakay sa seminar ang mga pangunahing kaalaman sa agham ng pagsukat, kabilang ang wastong proseso ng pagkakalibrate, tamang pagtataya ng errors o deperensya, klasipikasyon ng mga gamit sa pagsukat, at pagsunod sa itinakdang pamantayan ng sukat. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng tamang representasyon ng unit upang maiwasan ang maling sukat na maaaring makaapekto sa kalidad ng produkto at tiwala ng mamimili.
Kasama sa aktibidad ang mga praktikal na pagsasanay tulad ng aktwal na inspeksyon ng mga spring-type at digital weighing scales sa Odiongan Public Market, at pagsusuri ng fuel dispensers sa piling mga gasolinahan sa bayan. Sa pamamagitan nito, naipakita sa mga kalahok ang tamang teknik sa pagkakalibrate, pagkilala sa mga di-akmang sukat, at ang epekto nito sa pagiging tama ng transaksyon.
Layunin ng DOST-MIMAROPA na sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad ay mapalakas ang lokal na kakayahan sa tamang paggamit ng mga pamantayang pang-agham sa pagsukat, masigurong maayos ang mga kagamitang ginagamit sa araw-araw na transaksyon, at mapanatili ang tiwala ng mamimili.