Isinagawa kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) MIMAROPA ang programang “Lawyers to the Benepisyaryo” sa bayan ng San Fernando, Sibuyan Island, na dinaluhan ng humigit-kumulang 300 magsasaka mula sa iba’t ibang barangay ng munisipyo.
Layunin ng aktibidad na ihatid ang mga legal na serbisyo ng ahensya sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa mga liblib na lugar upang hindi na sila kailangang bumiyahe pa patungong mga tanggapan ng DAR sa lalawigan o rehiyon.
Nagsanib-puwersa ang Regional at Provincial Offices ng DAR MIMAROPA para maisakatuparan ang programa, na dinaluhan ng mga abogado at legal officers mula sa parehong antas. Nakiisa rin sa aktibidad ang isang abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO).
Tinalakay sa konsultasyon ang mga usaping may kaugnayan sa land tenure at agrarian justice na kinahaharap ng mga benepisyaryo sa kanilang mga komunidad.
Ang programang “Lawyers to the Benepisyaryo” ay bahagi ng pagsusumikap ng DAR na magbigay ng legal na tulong sa mga magsasaka sa antas ng barangay.
Discussion about this post