Nagkampeon sa katatapos lamang na Mayor’s Cup Football Tournament ang Gunaw Football Club matapos talunin ang PCG sa finals na ginanap sa bayan ng Odiongan noong April 13–15, 2025. Kasama ng Gunaw FC sa torneo ang walong iba pang koponan: RSU Oldstar, JKicks Oldstar, RFC, Odiongan Development Team, Team Looc, Looc Striker, PCG, at OFC.
Nakuha ng Gunaw FC ang kampeonato matapos ang isang intense na finals match kontra PCG. Natapos ang regular game sa score na 3-3 kaya’t nauwi ito sa penalty shootout kung saan pinakita ng Gunaw FC ang kanilang pamatay na diskarte, tinapos ang shootout sa score na 3-0.
Bago ang finals, nakaharap ng Gunaw FC ang Team Looc sa semifinals at nagtala ng 1-0 panalo, habang ang PCG naman ay tinalo ang RFC sa score na 3-0 upang masungkit ang kabilang finals spot.
Ito na ang ikawalong championship ng Gunaw FC mula nang sila ay mabuo noong 2022. Patuloy silang sumasali sa mga malalaking football tournaments sa buong lalawigan ng Romblon, at karamihan sa mga miyembro ng koponan ay mula sa bayan ng Romblon, Romblon.
Kabilang sa lineup ng Gunaw FC sina Jesse Sy, Ronan Keith Santiago, Marvin Manalon, Jamrey Mariveles, Johanan Mingoa, Steven Leynes, John Ralph Recto, Cjay Nicolas, Darence Atienza, Eldrin Madrid, Gian Manzo, Noeva Moaje, Janus Ragodon, Stanley Teodoro, Dandan Navarete, Sean Madali, Kynjie Fallaria, John Bernard Magallon, Ashley Festin, Neil Stephen Mendoza, Keith Hermoso, Kyndale Britz Manzo, John Peter Malavega, Kim Madrona, Sherluck John Benzon, Neil John Magpusao, at Richardson Lim. Ang tumatayong head coach ng team ay si Ryan Marinay.
Ang football tournament na ito ay bahagi ng ika-178 Foundation Anniversary ng bayan ng Odiongan na inorganisa ng LGU Odiongan sa pangunguna ni Mayor Trina Firmalo Fabic.
Samantala, itinanghal na Most Valuable Player ng tournament si Eldrin Madrid, habang ang RFC ang nakasungkit ng 3rd place finish.