Naabo ang loob ng bahay at walang naisalbang mga gamit ang pamilya Villafuerte sa Barangay Batiano, Odiongan, Romblon, matapos itong masunog pasado tanghali ng Martes.
Ayon sa ulat ng mga kapitbahay ni Peter Villafuerte, may-ari ng bahay, napansin umano nilang may lumalabas na maitim na usok mula sa loob ng tahanan. Agad silang humingi ng saklolo sa mga kalapit na residente upang maapula ang apoy.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, walang tao sa loob ng bahay nang mangyari ang insidente, kaya’t walang naiulat na nasaktan.
Idineklara ng Odiongan Fire Station na fire out ang sunog makalipas ang mahigit 30 minuto ng operasyon.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy at tinataya rin ang kabuuang halaga ng pinsala sa ari-arian ng pamilya Villafuerte.
Samantala, iniulat ng Odiongan Public Information Office na nagpaabot na sila ng tulong sa pamilyang nasunugan. Ilan dito ay family kit, hygiene kit, shelter repair tool kit, sleeping essentials, at food packs na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng kumot, gamit pantulog, panluto, panligo, at pagkain.