Isang lalaki ang sugatan matapos itong mataga ng kaniyang kapitbahay sa Barangay Cajimos sa Romblom nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ng Romblon Municipal Police Station ang biktima na si Oliver Lachica Vicente, 36 anyos, isang construction worker, habang ang suspek naman ay si Ernesto Mariano Mallorca, 52 anyos, walang trabaho, at kapuwa residente ng nasabing barangay.
Sa pag-iimbestiga ng mga kapulisan, lumalabas na nagtatalo di umano ang asawa at ang suspek nang biglang mamagitan ang biktimang pamangkin din ng dalawa. Walang ano-ano ay biglang nataga ng nakainum na suspek ang biktima. Tinamaan sa kaliwanag bahagi ng leeg ang biktima na agad namang isinugod sa Romblon District Hospital.
Agad namang naaresto ng mga pulis ang suspek at narekober din ang ginamit na itak sa krimen.
Nakakulong na ngayon ang suspek at nahaharap sa kasong frustrated homicide.