Pinapabilis ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang konstruksyon ng mga farm-to-market roads sa Romblon bilang bahagi ng layunin nitong palakasin ang Agrarian Reform Communities (ARCs) at suportahan ang mga lokal na magsasaka.
Nakipagtulungan na ang DAR sa mga lokal na pamahalaan ng lalawigan upang masiguro ang maayos na implementasyon ng mga proyekto ngayong 2025. Kamakailan, nakipagpulong ang mga opisyal ng DAR sa mga local chief executives ng Alcantara at Looc para sa koordinasyon at simula ng nasabing mga proyekto.
Sa pagtatapos ng mga farm-to-market roads, inaasahang mapapadali ang transportasyon ng mga produktong agrikultural papunta sa iba’t ibang bayan at merkado. Magbibigay din ito ng mas maraming oportunidad para sa mga magsasaka na maibenta ang kanilang ani at mapalago ang kanilang kabuhayan.
Ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na programa ng DAR sa pagpapabuti ng imprastruktura sa mga lugar na sakop ng agrarian reform upang masiguro ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura.