Sa kulungan ang bagsak ng isang German National matapos itong maging suspek sa pananakit sa isa pang kapwa-Aleman sa Barangay Hinag-oman, Ferrol, Romblon.
Kinilala ng Romblon Police Provincial Office ang suspek na si Prederick Hartmann, 28, habang ang biktima naman ay si Susanne Dorothee Wittka, 63.
Ayon sa report ng pulisya, bandang 7:30 ng February 16, habang nagpapahinga umano sa kanyang unit ang biktima, bigla umano itong pinuntahan ng suspek at kinausap tungkol sa tinutuluyang unit ng suspek.
Habang nag-uusap ang dalawa ay bigla nalang umanong kumuha ng pamalo ang suspek at pinalo ng dalawang beses sa ulo ang biktima.
Naagawa naman ng biktima ang ginamit na pamalo ng suspek at dito na tumakas para makahingi ng saklolo.
Dinala si Wittka sa Romblon Provincial Hospital para gamutin habang ang suspek naman ay inaresto ng mga rumespondeng parak.