May 290 na residente ng bayan ng Odiongan, Romblon ang nagtapos sa iba’t ibang pagsasanay na ibinibigay ng Provincial Training Center ng Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) mula Agosto hanggang Disyembre nang nakaraang taon.
Ayon sa acting Provincial Director ng TESDA Romblon na si Engr. Lynette Gatarin, pinakamaraming kumuha ng training kaugnay sa Bread Making at Food Processing.
Karamihan sa mga nagsipagtapos ay mga kababaihan na may 73 percent ng kabuoang 290 na mga graduate.
Sa ginanap na graduation ceremony nitong January 30, hinikayat ni Gatarin ang mga nagsipagtapos na gamitin ang kanilang mga natutunan para mas maging successful sa buhay lalo na ang mga kababaihan.
Sinabi rin nito na dapat taglayin ng mga ito ang KASH o ang knowledge, attitude, skills, and habits para mas maging matagumpay sa buhay.
“Kahit anong galing natin sa skills, kung ‘yung attitude natin at habit ay hindi maganda, siguradong hindi magiging matagumpay ‘yung tatahakin nating landas,” pahayag nito.
Hinikayat naman ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic ang mga nagsipagtapos na gamitin sa kanilang mga negosyo ang mga natutunan nilang mga bagong kakayahan at huwag sukuan ang mga ito.
“Ang mapapayo ko lang sa inyo ay huwag kayong susuko. Sa habang buhay, huwag susuko. Try and try you succeed,” ayon kay Fabic habang hinahalimbawa ang pagiging tagumpay ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na ilang beses lumaban sa Binibining Pilipinas bago nanalo.