May aabot sa 600 na mahihirap sa bayan ng Odiongan, Romblon ang nakatanggap ng ayuda ngayong Martes mula sa pondo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng opisina ni Senator Francis Tolentino.
Ang nasabing AICS ay hiniling ng lokal na pamahalaan ng Odiongan sa opisina ni Senator Tolentino para mabigyan ng tulong ang mga residente ng Odiongan na nangangailangan ng ayuda.
Pinondohan ito ng opisina ni Tolentino at idinaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pag-implement ng programa.
Ayon sa opisina ni Vice Mayor Diven Dimaala, aabot sa P1.2 million ang inilaang pondo para sa 600 na Odionganon kung saan nakatanggap sila kada-isa ng tig-P2,000.
Nagpasalamat naman ang mga nakatanggap ng ayuda dahil magagamit umano nila ito sa gastusin nila para sa isang linggo.