Isang hindi pa nakikilalang magnanakaw ang iniwan ang ginamit na motorsiklo matapos itong mahuli ng may-ari ng tricycle na kanyang ninanakawan ng gasulina.
Ang krimen ay nangyari sa Barangay Budiong sa bayan ng Odiongan nitong madaling araw ng Miyerkules.
Kuwento ng biktima na si Jolie Balleras, 54, nagising umano siya sa ingay sa labas ng kanilang bahay. Nang sumilip ito sa bintana, nakita niya ang lalaking suspek na nakasuot ng puting damit, may mask, na ninanakaw ang gasulina sa kanyang tricycle at inililipat nito sa bote ng 1.5 coke.
Nang sigawan ng biktima ang suspek, biglang kumaripas sa takbo ang suspek at iniwan ang motorsiklong ginamit pagpunta sa barangay.
Sa pag-iimbestiga ng Odiongan Municipal Police Station, napag-alaman na ang motorsiklong ginamit ng suspek ay ninakaw din nito sa Barangay Tabin-Dagat madaling araw din ng Miyerkules.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga kapulisan sa Odiongan ang krimen.