Sumalang na sa trabaho ang aabot sa 403 na benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) MIMAROPA mula sa mga bayan ng Alcantara, Banton, Odiongan, Looc, at Magdiwang.
Kasunod ito nang isinagawang orientation sa kanila na bahagi ng pre-implementation phase ng TUPAD program bago ilipat ang 403 benepisyaryo sa kanilang mga inatasang lugar.
Ang mga 403 benepisyaryo na naatasan sa mga lugar na kanilang pinaglilingkuran ay gagawa ng mga gawaing pangkomunidad, tulad ng pagtulong sa pagpapaunlad ng mga community garden, at paglilinis ng mga pampublikong pasilidad at lugar sa loob ng sampung araw.
Kikita ng P355 kada araw ang mga benepisyaryo o o kabuuang Php 3,550.
Ipinasok rin ang mga benepisyaryo sa Group Personal Accident Insurance (GPAI) ng Government Service Insurance System (GSIS).
Sa isa sa mga orientation na ginanap noong June 21 hanggang 23, hinihimok ng Local Government Unit ng Alcantara ang kanilang mga benepisyaryo na magsagawa ng kanilang mga tungkulin nang responsable, dahil ang kanilang kontribusyon ay may malaking epekto sa komunidad.
Ang TUPAD ay isa sa mga sangkap ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP), na nagbibigay ng emergency employment para sa mga displaced workers, underemployed workers, at seasonal workers sa loob ng hindi bababa sa 10 araw ngunit hindi hihigit sa 90 araw depende sa uri ng trabaho na kanilang gagawin.