Mahigit isang daan (100) na Romblomanon ang sumubok na mag-apply sa siyam (9) na kompanya na naghahanap ng empleyado sa isinagawang job fair sa bayan ng Odiongan nitong Martes, April 11, kasabay ng kanilang pagdiriwang sa 176th Founding Anniversary.
Inorganisa ito ng Public Employment Service Office (PESO) ng Odiongan katuwang ang Department of Labor and Employment – Romblon.
Ilan sa mga kompanya na nakilahok ay galing pa ng Batangas at Metro Manila na sinadya ang bayan para lang makahanap ng mga empeleyado. Magmula sa trabahong lokal at trabahong abroad ay available sa mga puwedeng pasahan ng mga naghahanap ng trabaho rito.
Ayon sa PESO Odiongan, tinatanggap ang kahit high school graduate sa mga trabahong available rito kagaya ng mga skilled workers na handang magtrabaho abroad kagaya sa Middle East na on demand ang mga ganung trabaho.
Ilan sa mga nag-apply ng trabaho ay nakuha on the spot at inaasahang babiyahe na patungong Batangas para doon magtrabaho sa kanilang posisyon.






















