Mag-uumpisa na sa Disyembre 27, 2022, Martes, ang pagpapatupad ng batas sa Subscriber Identity Module (SIM) registration o pagrehistro ng iyong impormasyon sa ginagamit o gagamiting SIM card sa pakikipag-komunikasyon.
Layunin ng SIM Registration Act (RA 11934) na isulong ang pananagutan sa paggamit ng SIM at magbigay sa mga otoridad ng mga kasangkapan upang malutas ang mga krimen na kinasasangkutan ng paggamit nito at isang plataporma upang hadlangan ang paggawa ng mga maling gawain.
Sa ilalim ng batas ay dapat i-rehistro ang ginagamit na SIM card, pang tawag, pang text, o pang internet man. Ito'y dapat ipa-rehistro sa kani-kanilang gamit na network o Public Telecommunications Entities (PTEs) gaya ng Globe, Smart, at DITO kabilang din ang e-SIMs.
Para i-rehistro ang SIM ay bisitahin lamang ang mga itinalagang website/microsite, mobile application, o portals ng PTEs para sa SIM registration. Narito ang ilan sa mga impormasyon na ibibigay sa pagrerehistro: Name, Birthday, Gender, Address, and Nationality; Assigned Mobile Number at SIM Serial Number; Type of ID Presented at ID Number. Dagdag pa dito, kailangang magpresenta o magbigay ng kopya ng isang (1) government-issued identification card (ID), alinman sa mga sumusunod: Passport, Philippine Identification System ID, o Philippine Identification Card, Social Security System (SSS) ID, Government Service Insurance System (GSIS) e-Card, Driver's License, National Bureau of Investigation (NBI) Clearance, Police Clearance, at iba pang valid government-issued ID na may kasamang selfie upang ma-verify ang end-user.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Anna Mae Lamentillo, dapat ay sa loob ng 24 oras ay ma-activate ang SIM ng isang end-user pagkatapos nitong magpa-rehistro. Dagdag pa aniya ay hindi limitado sa isang numero ang pagpapa-rehistro ng isang indibidwal. Maaari niyang iparehistro ang lahat ng numero o SIM na ginagamit.
Sa mga SIM card na bibilhin pa lamang sa merkado, tiyak na ito'y deactivated o hindi magagamit sa tawag, text (SMS) o pang internet hanggat hindi napapa rehistro ayon sa DICT.
Para naman sa kasalukuyang ginagamit na SIM card, inaanyayahan ang publiko na iparehistro ang gamit na SIM card or numero bago mag April 26, 2023 upang maiwasan ang automatic deactivation. Ito'y magiging activated lamang sa oras na makompleto ang pag-rehistro.
Ayon kay Atty. Adel Tamano ng DITO, ang mga BAGONG subscribers ng kanilang SIM ay makatatanggap ng link sa oras na gamitin nila ang bagong SIM card. Dito sila maaaring makapag rehistro ng kanilang impormasyon para magamit ang SIM o ma-activate ito.
Ayon naman kay Atty. Ariel Tubayan ng GLOBE, prayoridad nila ang UNREGISTERED SUBSCRIBERS o prepaid users na makapag rehistro. Ang mga gumagamit naman ng post paid ay updating nalang ang kailangan sapagkat may impormasyon na aniya sila ng mga gumagamit ng postpaid sims o postpaid customers.
“All existing Globe Postpaid, Globe Platinum, and Globe Business postpaid customers will be pre-registered by Globe using the details provided upon initial application. However, we will get in touch with you should there be missing information needed in order to comply with the SIM Registration Act,” naka-saad sa Globe website.
[Ang lahat ng umiiral na Globe Postpaid, Globe Platinum, at Globe Business postpaid na mga customer ay paunang irerehistro ng Globe gamit ang mga detalyeng ibinigay sa unang aplikasyon. Gayunpaman, makikipag-ugnayan kami sa iyo kung may nawawalang impormasyong kailangan para makasunod sa SIM Registration Act.]
Para sa mga malalayong lugar na hindi makaka-access sa internet, makikipag ugnayan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Units (LGUs) upang magsagawa ng massive information drive kung saan magtatayo ng registration facilities upang makapag rehistro ang mga tao ng kani-kanilang SIM. Dapat itong maisagawa sa loob ng 60 na araw pagkatapos ng Dec 27, 2022.
“Napakahalaga ng role po ng LGUs sa pagsisigurado na ang impormasyon ay aabot sa grassroots lalo na sa remote areas… Mahalaga rin ang gagampanin na roles po ng ating local chief executives at barangay captains sa pagpo-proseso ng mga documents at other requirements para sa pag-setup ng mga registration centers na ito.” paliwanag ni DILG Undersecretary Margarita Gutierrez.
Maliban dito, sinigurado naman ni Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice (DOJ) na confidential ang mga impormasyon ng end users na mag rerehistro ng kani kanilang SIM sa ilalim ng batas. Maaari lamang hingan ng impormasyon ang PTEs sa kung magkakaroon ng subpoena mula sa otoridad kung may kinalaman ang isang mobile number sa krimen o iba pang complaint.


































