Pinarangalan ang limang kooperatiba mula sa rehiyon ng Mimaropa sa isinagawang Regional Agrarian Reform Beneficiaries Organization (ARBO) Summit sa Hotel Ramada Manila noong Disyembre 6.
Ang ARBO Summit ay isang taunang gawain na kumikilala sa mga napagtagumpayan ng mga ARBOs at ARBs. Nasa ika-limang taon na pagdiriwang ngayong taon ang gawain na may temang “ARBOs 2022: Breaking Barriers Towards Digital Marketing.” Kinilala sa naturang gawain ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang limang kooperatiba na benepisyaryo ng ARBO mula sa rehiyon.
Kinilala bilang Most Outstanding Community Enterprise ang Mansalay Agriculture and Fisheries Development Cooperative (MAFDECO) mula Oriental Mindoro. Samantala, binigyang parangal naman ang Samahan ng mga Benepisyaryo ng Agraryo sa Timog Victoria (SBATV) mula Oriental Mindoro bilang may Highest Number of ARB Member for newly organized ARBOs.
Kinilala naman ang CK Plus Multi-Purpose Cooperative mula Puerto Princesa City bilang Highest Number of ARB Members for existing ARBOs. Ang Tanikala ng Pagkakaisa Multi-Purpose Cooperative mula Boac, Marinduque naman ay kinilala naman sa pagkakaroon ng Excellence in Providing Financial Products and Services.
Bilang panghuli, kinilala bilang may Outstanding Community Involvement ang Agra Progreso Multi-Purpose Cooperative mula Odiongan, Romblon sa naturang gawain.


































