Aabot sa mahigit 500 na indibidwal sa isla ng Sibuyan ang nakinabang sa katatapos lamang na mobile registration ng Land Transportation Office sa bayan ng Cajidiocan.
Isinagawa ang mobile registration sa Cajidiocan Municipal Covered Court noong ika-26 hanggang 28 ng Oktubre sa kahilingan ni Mayor Greggy Ramos na mabigyan ng pagkakataon ang mga residente ng isla na makakuha ng driver’s license at makapag-renew ng lisensya.
Bagama’t may mga aberya dahil sa bagyong Paeng, hindi umano nagpatinag ang mga tauhan ng LTO para makapagbigay ng serbisyo.
Binisita rin ang mobile registration ni LTO Mimaropa regional director Manuel L. Betaizar, na nagkataong nasa isla para sa pag-inspeksyon sa lugar na lalagyan ng satellite office ng LTO sa Cajidiocan.