Nais makapagpatayo ng 1000 bahay para sa mga mahihirap na pamilya na higit na apektado ng krisis at iba’t ibang sakuna sa lalawigan ng Romblon ang Diyosesis ng Romblon.
Ito ang ibinahagi ni Romblon Diocesan Social Action Director Father Ric Magro sa VeritasPH.
Aniya, layunin ng proyekto na bigyan ng maayos at matibay na bahay ang mga mahihirap na pamilya lalo na ang mga nakatira sa tabing-dagat na mas malapit sa panganib kapag may sakuna.
“Nakikita kasi noon na ang nililipat kaagad natin ay ‘yung mga nakatira sa tabing dagat, ‘yung mga pamilyang mga barong-barong lamang ang bahay. Kaya’t sa ngayon na wala pang bagyo, hinahanapan kaagad natin ng paraan sila kung paano natin sila matutulungan na hindi na aabutin pa ng bagyo,” ayon kay Fr. Magno.
Sinabi ni Magno na target ng Diyosesis ng Romblon ang makapaglagay ng tig-50 na bahay sa 17 bayan ng probinsya.
Nasa ikatlong bahagi na ang proyekto sa ngayon, kung saan sa una at ikalawang bahagi ay umabot na sa 100 mga bahay ang naipatayo at naipamahagi sa mga residente ng Tablas at Romblon Island. (PJF)