Simula Huwebes, January 6, hanggang January 30 ay magpapatupad na rin ng mas mahigpit na protocol para sa mga returning residents ang bayan ng Romblon, Romblon kasunod nang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa Metro Manila.
Sa resolusyon na ipinasa ng Municipal Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, kailangan na ng mga fully-vaccinated individual na magpakita ng negatibong resulta ng kanilang Rapid Antigen Test bago payagang makapasok sa isla.
Papayagan rin makapasok ang mga unvaccinated na bata kung sila ay magpapakita ng negatibong swab o saliva RT PCR result bago bumiyahe at kailangang mag-undergo ng 7-days quarantine.
Ang mga fully-vaccinated individuals naman na papasok ng Romblon, Romblon galing sa ibang bayan ng probinsya ay kailangan lamang magpakita ng kanilang vaccination card.
Samantala, hindi naman papasukin ng bayan ang mga hindi fully-vaccinated.