Nakapagtala ang Rural Health Unit ng Romblon, Romblon ng aabot sa 14 na nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 o Covid-19 mula lamang September 19 hanggang 25. Ito na ang pinakamaraming bilang ng nasawi sa loob lamang ng isang linggo sa isang bayan sa lalawigan.
Batay sa ulat pa ng Romblon RHU, pinakamaraming nasawi ay noong Biyernes, September 24, kung saan lima katao ang nasawi dahil sa virus.
Sa kabuoan aabot na sa 34 ang nasawi sa bayan mula ng pumutok ang pandemya, 25 ay nagpositibo sa Rapid Antigen Test at 9 naman ang nagpositibo gamit ang RT PCR test.
Kahapon, umaabot na sa 201 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa bayan at pinakamaraming kaso ay naitala sa Barangay Capaclan.
Nakipag-ugnayan na ang Romblon News Network sa opisina ni Mayor Gerard Montojo kaugnay sa dumaraming naitatalang nasawi dahil sa virus sa kanilang bayan ngunit hindi pa ito sumasagot sa aming mensahe.
Sa huling ulat rin ng RHU Romblon, may 3,914 palang sa bayan ang fully vaccinated laban sa virus.