Nadagdagan pa ng dalawa ang aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 o Covid-19 sa bayan ng Romblon, Romblon batay sa update ng Rural Health Unit bandang alas-9 kagabi.
Isa sa mga bagong kaso ang locally stranded individual (LSI) mula sa Cebu na dumating ng Romblon, Romblon noong February 17.
Ayon sa RHU Romblon, nagpositibo ito sa antigen test na isinagawa sa kanya pagkababa ng barko kaya siya ay na-isolate at kinunan ng swab noong February 18.
Ang isa pang nagpositibo ay walang travel history. Ito ay local transmission. Siya ay nagkaroon ng sintomas ng Covid 19 kaya siya ay isinailalim sa quarantine at monitoring.
Nagsasagawa na ng contact tracing ang lokal na pamahalaan sa mga nakasalamuha ng dalawa.
Sa ngayon, 5 na ang aktibong kaso sa bayan habang 86 naman ang gumaling na at 3 ang nasawi.