Dalawang bagong kaso ng Covid-19 ang naitala sa bayan ng Romblon, Romblon ngayong araw, batay sa inanunsyo ng Romblon Rural Health Unit sa kanilang Facebook page.
Isa dito ay babae na edad 43, residente ng Barangay Sablayan.
Ayon sa Romblon RHU, na admit ito sa Romblon District Hospital noong February 14 at nakuhanan ng sample noong February 16.
Ang isang pasyente naman ay lalaki, 29 taong gulang, residente ng Barangay Capaclan at nagpositibo sa Antigen Test noong February 14 at nakuhanan ng sample noong February 16.
Ang pareho ay naka-isolate na at ngayon ay nagpapagamot na. Parehong symptomatic ang dalawa o may sintomas ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Nagsasagawa na ng contact tracing ang lokal na pamahalaan ng Romblon para matukoy ang mga nakasalamuha ng dalawa.
Ayon sa Provincial Epidemiology Surveillance Unit, 135 na ang naitalang kaso sa buong probinsya kung saan 95 rito ay local habang 40 naman ang imported.
Sa bilang na ito, 4 ang aktibo habang 128 naman ang gumaling na at 3 ang nasawi.
Pinakaraming naitala sa bayan ng Romblon, Romblon na may 92 total Covid-19 cases.