Isinailalim na ang buong lalawigan ng Romblon sa Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 dahil sa banta ng bagyong Auring, na patuloy na lumalapit sa kalupuan ng Pilipinas.
Batay ito sa advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong alas-8 ng gabi ng Linggo.
Huling namataan ng weather bureau ang bagyong Auring sa layong 275 km East ng Surigao City, Surigao del Norte at gumagalaw patungong Northwestward sa bilis na 25 km/h.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 65 km/h malapit sa gitna at bugsong aabot sa 80 km/h.
Inaasahang mararamdaman na ang lakas ng bagyo sa susunod na 24 oras.
Batay sa forecast ng Pagasa, asahan ngayong gabi hanggang bukas ng umaga ang light to moderate rains dala ng bagyo.