Arestado sa pinagsamang pwersa ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency ang dalawang binata sa bayan ng Romblon na di umano ay nabilhan nila ng ipinagbabawal na droga nitong hapon ng Lunes, February 1.
Kinilala ng Romblon Municipal Police Station ang mga suspek na sina Karl Arron Montaña, 20; at Christian Fontejon, 21, pawang mga residente ng Barangay II.
Sa police repot, nagsagawa umano ng buy-bust operation ang grupo kung saan nakabili di umano ang mga operatiba ng isang cigarette case mula sa mga suspek na may lamang pinatuyong dahon ng marijuana sa halagang P1000.
Matapos makumpirma ang transaksyon, agad na inaresto ng mga tauhan ng PNP ang dalawang suspek.
Samantala, sa isinagawang body search kay Fontejon, nakakuha rin di umano ng isang plastic sachet na may lamang pinatuyong dahon ng marijuana ang mga operatiba ng PNP at PDEA.
Nakakulong na ngayon ang dalawa habang inihahanda ang isasampa sa kanilang kaso.