Lumubo na sa 24 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa bayan ng Romblon, Romblon matapos madagdagan ng sampu (10) ang nagpopositibo sa virus ngayong Miyerkules, January 20.
Ayon sa Romblon Rural Health Unit (RHU), ang 10 ay pawang mga miyembro ng Philippine Coast Guard.
Sila ay close contact ng mga naunang nagpositibo sa COVID at sila ay nakaquarantine na simula pa ng makuhaan ng sample para sa real-time reverse transcription polymerase chain reaction (rRT-PCR) test.
Dahil dito, umakyat na sa 25 ang kaso ng Covid-19 sa buong lalawigan kasama ang 1 kaso ng Covid-19 sa bayan ng Cajidiocan.
Paalala ng Romblon RHU sa publiko, patuloy na maging maingat, palaging maghugas ng kamay at ugaliin ang pagsuot ng face mask at face shield sa tuwing lalabas.
Panatilihin rin ang social distancing sa lahat ng oras.