Itinuturing na ng lokal na pamahalaan ng Romblon na kontrolado na ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa kanilang lugar matapos mag negatibo ang huling tatlong closed contact ng mga huling nagpositibo naman sa virus.
Sa isang text message na pinadala sa Romblon News Network ni Mayor Gerard Montojo nitong Miyerkules, sinabi nito na pawang mga asymptomatic na ang natitirang 2 kaso ng Covid-19 sa bayan at sila ay mga nasa isolation facility na.
Batay sa inilabas na Covid-19 update ng Romblon Rural Health Unit ngayong Huwebes, ika-17 ng Disyembre, sinabi nila na 3 pang nagpositibo sa virus ang gumaling na.
Sa talaan ng RHU, umabot sa 60 ang confirmed case sa kanilang lugar kung saan dalawa rito ay nasawi habang ang 56 ay gumaling na.
Samantala, nag pasalamat sa publiko si Mayor Montojo dahil sa patuloy na pananalangin para sa kanilang bayan.
“Magandang regalo ito sa amin itong Pasko at sa kaarawan ni Cong. Budoy. Salamat na muli sa inyong lahat,” bahagi ng text message ng alkalde.