Magkaroon ng limited face-to-face classes sa probinsya ng Romblon, ito ang laman ng panukala ni SP member Rachel Bañares na kanyang ipinasa sa Sangguniang Panlalawigan kamakailan.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Atty. Bañares nitong Martes, ika-13 ng Oktobre, sinabi nito na nasa Commitee on Education na ang nasabing panukala at inaasahang pag-uusapan sa Huwebes.
“I understand nasa committee on Education na yan at nagpatawag ng committee meeting si SP Nene Solis sa Huwebes para pag-usapan ang limited face-to-face classes kasama ang DepEd, teachers, at ilang parents and teacher’s association,” pahayag ni Atty. Bañares.
Paliwanag ni Atty. Bañares, marmai umanong mga magulang ang nahihirapang magturo lalo na sa mga modules ng kanilang mga anak. Aniya, hindi naman lahat ng magulang ay nakapagtapos ng kolehiyo kaya hindi umano nila masagot ang mga tanong ng kanilang mga anak.
Naapektuhan rin umano ng bagong sistema ng pagtuturo ang ilang mga outstanding students na may posibilidad sana na mag valedictorian pa sa klase.
Kung sakaling magkaroon ng limited face-to-face classes hindi umano ibig sabihin nito ay papabayaan na ang kalusugan ng mga bata. Magpapatuloy parin umano dapat ang pagsunod sa minimum health standards katulad ng pagsusuot ng face masks, pagkakaroon ng social distancing, at ang palagiang paghuhugas ng kamay sa mga paaralan.
Bagama’t may panukala na, hindi umano ito agad-agad na ipatutupad kundi nakadepende parin sa Department of Education.
Samantala, sa pahayag ng Department of Education kahapon, October 12, sinabi ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali na naghahanda na sila sa face-to-face classes sa mga lugar na walang kaso ng Covid-19.