Itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal #3 ang mga bayan ng Corcuera, Banton at Concepcion sa Romblon matapos na lumakas at ngayon ay isa ng Typhoon si #QuintaPH na dalawang beses ng nag landfall sa Albay.
Signal #2 naman ang nakataas sa natitirang bahagi ng Romblon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Huling namataan ang mata ng bagyo sa vicinity ng Malinao, Albay at inaasahang tatahakin ang Southern Luzon ngayong gabi hanggang sa lumabas ng Philippine Area of Responsiblity sa Martes.
Taglay ni Quinta ang lakas na aabot sa 130 km/h malapit sa gitna at bugsong aabot sa 180 km/h.
Batay sa taya ng Pagasa, inaasahang magpapaulan ngayong gabi hanggang bukas ng umaga si Quinta sa Bicol Region, CALABARZON, Aurora, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, Marinduque, Calamian Islands, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Aklan, Capiz, at Antique.