Ibinahagi kamakailan ni Presidential Management Staff (PMS) Assistant Secretary Joseph Encabo na kabilang ang Romblon sa mga probinsyang handang tumanggap ng mga locally stranded individuals o LSIs na uuwi sa pamamagitan ng Hatid Tulong Program ng gobyerno.
Ayon kay Encabo, marami umanong sumagot sa kanilang paanyaya na tumanggap ng mga LSIs, at isa rito ang Romblon.
“Maraming sumagot na handa silang tumanggap ng LSIs tulad ng Biliran, Samar, Leyte, Romblon, Sulu, Tawi-Tawi, Palawan at Bohol,” ayon kay Encabo.
Maliban umano rito, handa na rin umano ang Cebu na tumanggap.
“Ito’y pinaghahandaan ng TWG [Technical Working Group ng Hatid Tulong] para sa susunod na mga linggo ay by batch na ang ating send-off,” dagdag na pahayag ni Elcabo.
Nagbabala rin ito sa mga umuuwi ng walang coordination sa mga LGU.
“Kailangan po matigil na ‘yan. Naniniwala po ako na ang mga colorum activities na ‘yan ay isa sa mga main reason o dahilan kung bakit tumataas po ang Covid-19 cases sa isang lugar,” aniya.
Lahat umano ng uuwing LSI ay dadaan ng tamang medical assessments, kukuha ng travel authority, at medical clearance bago pasakayin ng mga bus at barko.