Isang bahay sa bayan ng Romblon, Romblon ang pinasok ng isang akyat-bahay bandang alas-8 ng gabi noong Linggo, August 30.
Ayon sa ulat ng Romblon Municipal Police Station, habang nanood umano ang biktima na si Jocelyn Tolentino ng TV sa kanyang kwarto, ay nakarinig ito ng kalabog mula sa likod ng kanyang bahay kaya agad itong lumabas.
Paglabas niya ng pintuan ay nakita niya ang suspek na may hawak na kahoy, at walang anu-ano’y pinalo siya.
Agad na tumakas ang biktima at humingi ng tulong, habang ang suspek naman ay tumakas rin dala-dala ang ginamit na kahoy.
Dinala agad ang biktima sa Romblon District Hospital kung saan siya ginamot.
Patuloy pinaghahanap ng kapulisan ang suspek na natukoy na may taas na halos 5’5, medium build, kulot ang buhok, brown colored skin, nakasuot ng black pants at may suot na black sling bag. (PJF)