Balik kulungan ang isang drug personality sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos maaresto sa isang anti-illegal drug buy-bust operation nitong Martes na kinasa ng pinagsamang pwersa ng PDEA-Romblon, Romblon Provincial Drug Enforcement Unit, Romblon Provincial Mobile Force Company, at Odiongan Municipal Police Station.
Kinilala ang suspek na si Joseph Ignacio, residente ng Barangay Dapawan.
Ayon sa hepe ng Odiongan Municipal Police Station na si Captain Manuel Fernandez Jr., nabilhan di umano ang suspek ng isang sachet ng pinaghihinalaang sa halagang P2,000. Maliban rito, nakuhaan rin ang suspek ng tatlo pang pinaghihinalaang shabu sa isinagawang body search sa kanya.
Todo tanggi naman ang suspek na sa kanya ang mga nakuhang shabu at pera ngunit hindi itinatanggi na sumuko siya sa Oplan Tokhang noon.
Samantala, ginagawa na ng mga otoridad ang kanilang verification para sa ikahuhuli ng posibleng mga kasama ng suspek sa pagbebenta di umano ng iligal na droga.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Odiongan Municipal Police Station at mahaharap sa kasong paglabag sa Republci Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.