Matapos ang mahigit dalawang araw na pagtatago sa mga otoridad, naaresto na ng mga kapulisan ang lalaking suspek sa pagpatay sa isang Romblomanon sa Kawit, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Regie Boy Estabillo, 26 anyos, at tubong Koronadal City.
Nangyari ang krimen noong Biyernes kung saan natagpuan nalang na nakahandusay sa sahig at naliligo sa sariling dugo ang Romblomanon na si Sarah Kaye Mindo sa loob ng kanyang tinitirhang bahay sa Estrella Homes, Barangay Toclong.
Posibleng nilooban ng suspek ang bahay ni Mindo para pagnakawan ngunit posibleng nakapaglaban ang biktima kaya naanduyan siya ng saksak ng suspek.
Nagkalat rin umano ang dugo ng biktima sa lugar na pinangyarihan ng krimen, indikasyon na nakipagbuno pa ito sa suspek.
Ayon sa pulisya, itinuturing nilang Robbery with Homicide ang nasabing pagpaslang sa biktima ngunit tinitingnan rin nila kung posibleng ginahasa rin ng suspek ang dalaga.