Sa kasagsagan ng malakas na hangin, isang matandang puno ng acacia ang bumalandra sa gitna ng national road na bahagi ng Barangay Libertad sa bayan ng Odiongan sa Romblon.
Bandang alas-11:30 kanina ng marinig ng mga residente sa lugar ang kalabog, at pagtingin nila sa labas, natumba na pala ang matandang puno ng acacia na tinatayang may 40 na taon na ang tanda.
Dahil sa pagkakabalandra nito sa gitna ng kalsada, pahirapan tuloy ang mga motoristang dumadaan sa national road papasok at palabas ng bayan ng Odiongan.
Dumating naman ang mga tauhan ng Barangay at Department of Public Works and Highways sa lugar para tumulong sa clearing operation.
Sa ngayon, sa gilid ng kalsada muna pinapadaan ang mga sasakyan dahil tinatayang aabutin pa ng dalawang oras ang pagtanggal sa malaking puno mula sa kalsada.
Ang malakas na hangin ay dala ng habagat na pinapalakas ng bagyong Falcon.