Nauwi sa pananaksak ang masayang inuman ng isang magkakamag-anak sa bayan ng Cajidiocan sa Sibuyan Island, Romblon nitong gabi ng Linggo, July 14.
Ayon sa police report mula sa Cajidiocan Municipal Police Station, nakikipag-inuman ang biktimang si Angel Rabusa, 29, sa suspek na si Floredo Rabusa, 60, nang mauwi ito sa pagtatalo at sigawan. Ilang minuto pa ang nakalipas, hinamon umano ng biktima ang suspek ng suntukan, dito na bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak sa dibdib ang batang Rabusa.
Agad namang lumabas ng bahay ang biktima at humingi ng tulong sa mga kapitbahay para madala siya sa Sibuyan District Hospital. Nagpapagaling na siya ngayon.
Samantala, agad namang naareto ng mga tauhan ng Cajidiocan Municipal Police Station ang suspek matapos silang rumesponde sa lugar.
Nakakulong na ngayon ang suspek at nahaharap sa kaukulang kaso.
Hindi pa natutukoy ng pulisya kung ano ang posibleng pinagmulan ng pagtatalo ng dalawa.