Sugatan ang isang mag-live-in partner partner sa Barangay Danao, bayan ng Cajidiocan, Romblon matapos pagtatagain ng isang lalaking lasing nitong gabi ng Miyerkules.
Kinilala ang mga biktima na sina Ernesto Albao Manzano, 64; at live-in partner nitong si Alfreda Mendoza Evaresto, 54-anyos.
Batay sa police report na nakarating sa opisina ni Police Captain Ledilyn Ambonan, spokesperson ng Romblon Police Provincial Office, habang nag-iinuman umano ang dalawa sa loob ng kanilang bahay bandang 9:30 ng gabi ay biglang dumating ang suspek na si Mario Robis, 56, at walang kaano-ano’y pinagtataga ang dalawa.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen.
Samantala, ang dalawang tinaga ay nagtamo ng malubhang sugat sa katawan kaya isinugod sa Sibuyan District Hospital kung saan sila ngayon nagpapagaling.
Ilang oras matapos ang krimen, sumuko sa tanod ng Barangay Danao ang suspek, dito na siya kinuha ng mga tauhan ng Cajidiocan Municipal Police Station.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakainum ang suspek nang gawin ang krimen.
Posibleng maharap sa kaukulang kaso ang suspek.