Sapat ang supply ng kuryente sa mga lugar na sineserbisyohan ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) sa darating na halalan ayon sa isang opisyal ng kompanya nitong Sabado.
Sa text message ni Dennis Alag, ISD Manager ng TIELCO, sa Romblon News Network, sinabi nito na stable ang supply ng kuryente sa ngayon at wala silang nakikitang dahilan para magkaroon ng brownout sa darating na halalan.
Kahit na nitong mga nakaraang araw ay sunod-sunod ang pagbagsak ng power supply sa Luzon patungo sa Yello Alert hanggang sa Red Alert, hindi umano apektado ang Romblon rito dahil hindi konektado ang probinsya sa grid ng Luzon. Noong nakaraang tatlong linggo, patuloy ang pagsadsad ng Luzon grid sa yellow at red alert.
Samantala, matagal ng sinabi ng Commission on Elections (Comelec), na kahit na mawalan ng kuryente sa isang lugar, maari parin gumana ang mga vote counting machines dahil may mga baterya ito na kayang tumagal ng ilang oras.
Wala pang pahayag ang Romblon Electric Cooperative Inc. (ROMELCO) sa kalagayan ng kuryente sa Sibuyan Island, Romblon Islands, at sa Tres Islas.
































