Muling bumisita sa bayan ng Romblon noong nakaraang linggo ang ang luxury cruise ship na MS Silver Muse na may mahigit 600 pasaherong turista at 400 na mga crew.
Ito ang ikalawang beses na pagdaong ng nasabing cruise ship sa isla ng Romblon kung saan magugunita na noong nakaraang Nobyembre 22, 2018 ay bumisita na ito sa probinsiya ng Romblon.
Sinabi ni Maria Jocelyn Molino, Municipal Tourism Officer ng LGU Romblon, na ang mga lulang turista nito ay mula sa Europa kung saan karamihan sa mga ito may edad na, retirado na sa kani-kanilang trabaho at ilang negosyante na nagnanais na makapamasyal sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Ang mga turistang dayuhan ay namasyal sa mga white beaches ng Romblon, nag-island hopping, nagtungo sa mga pagawaan ng marmol, namili ng mga marble souvenirs o novelty items at nag-ikot sa mga makasaysayang lugar sa nabanggit na bayan.
Ayon pa kay Molino, kada taon ay may cruise ship na dumadaong sa Romblon upang masilayan ang mga ipinagmamalaking atraksiyon ng kabisera ng lalawigan at laging nakahanda ang kanilang mga Department of Tourism (DOT) accredited tour guides upang samahan ang mga turista sa paglilibot dito.
Bilang kinatawan aniya ng pamahalaang bayan ng Romblon, personal niyang iniabot sa kapitan ng barko ang token na yari sa batong marmol bilang pasasalamat ng pamahalaang bayan ng Romblon sa kanilang pagbisita dito.
Ang mga opisyal ng naturang barko ay nagbigay rin ng miniature ng luxury cruise ship na MS Silver Muse sa pamahalaang lokal ng Romblon. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)