Isa ang naiulat nagtamo ng sugat matapos sumalpok sa seawall ng Barangay Bagacay sa bayan ng Romblon, Romblon ang unahang bahagi ng barkong M/V Grand Venture 1 ng Navios Shipping Lines, Inc. kaninang madaling araw.
Ayon sa mga residente ng lugar, nagising sila matapos makarinig ng malakas na kalabog sanhi ng sumalpok na barko sa seawall.
Nagmamaneobra umano ang nasabing barko nang mangyari ang aksidente.
Nadamay rin sa aksidente ang pumpboat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakaparada rin sa Barangay Bagacay matapos itong madaanan ng barko.
Sa ngayon, naibaba na ang mga pasahero ng barko at pansamantalang dinala na muna sa terminal building ng Romblon Port habang nag-aantay ng anunsyo ng kanilang biyahe.
Samantala, patuloy pang inaalam ng Coast Guard Station-Romblon at PNP Maritime Group ang dahilan ng aksidente.
UPDATE: Miscommunication, itinuturong dahilan ng pagsalpok ng Grand Unity 1 sa sea wall sa Romblon