Hinikayat ni dating Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Gregorio Larrazabal ang taong bayan na tingnan muna ang binigay sa kanilang balota bago pumunta sa kanilang mga upuan para bumuto sa araw ng halalan.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Atty. Larrazabal nitong Miyerkules sa Odiongan, Romblon, sinabi nitong dapat siguraduhin ng mga botante na malinis at walang sira ang balotang ibibigay sa kanila para masiguro na babasahin ito ng vote counting machines (VCMs).
Dapat rin umanong tingnan na walang dumi ang timing marks na nasa gilid ng balota dahil posible umanong hindi basahin ng vcm ang balota kung hindi nito mabasa ng maayos ang mga timing marks.
Sinabi rin ni Atty. Larrazabal na ang mga balota ay dapat walang punit, o tupi; at dapat wala rin umanong pre-marked votes bago ibigay sa mga botante.
Kung sakaling makitaan umano ng mga botante ang kanilang balota ng mga nabanggit sa taas, maari nila itong ibalik sa Board of Election Inspectors (BEI) para mapalitan.
Pinaalala rin ni Atty. Larrazabal na mahalaga ang bota ng bawat isa kaya siguraduhin umanong mabibilang ang inyong mga boto sa VCMs ngayong darating na 2019 mid-term elections.




































