Matapos ang makailang pagpupulong na walang quorum, pormal ng ipinasa kahapon, February 27, ng Provincial Development Council ang Annual Investment Program ng Probinsya ng Romblon para sa taong 2019 na may aabot sa halos P1.2-billion na pondo.
Sa 24 na mga miyembro ng Provincial Development Council, 22 rito ay dumalo sa Pre-PDC meeting na ginanap nitong February 25, habang 15 naman ang dumalo sa Full-PDC meeting nitong February 27, dahilan para magkaroon ng quorum at mapag-usapan ang budget ng probinsya.
Batay sa 2019 Annual Investment Program, nabigyan ng P5-million pondo ang bawat bayan sa Romblon para sa kanilang iba’t ibang infrastructure project kabilang na ang pagtatayo ng Mainit Hot Spring sa bayan ng Corcuera, at pagsasaayos sa iba’t ibang provincial road sa mga munisipyo.
Kabilang rin sa naipasang 2019 Annual Investment Program ang dagdag sahod ng mga empleyado ng provincial government, at ang pagtataas sa bayad sa terminal leave ng mga three termers Sangguniang Panlalawigan members.
Kasama ring napondohan rito ang pagbili ng gamot para sa acquired immune deficiency syndrome o AIDS, at Human Immunodeficiency Virus (HIV).
Inaasahang dadalhin nalang ito sa Sangguniang Panlalawigan para pag-usapan at i-deliberate ng mga board members hanggang sa maipasa.