Isinugod sa ospital ang isang pedestrian sa Barangay Libertad sa Odiongan matapos masalpok ito ng motorsiklo na minamaneho ng di umano’y isang lasing na rider nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Dennis Largueza Gan, 34-anyos, habang ang rider naman ay kinilalang si Dante Oriendo Cruz, 44-anyos.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, binabaktas ng rider na si Cruz ang kahabaan ng Tablas Circumferential Road sa bahagi ng Barangay Libertad patungong Barangay Panique nang mangyari ang aksidente. Pagdating umano ng rider sa may pakurbang daan sa harap ng bahay ni Gan ay hindi nito napansin na may naglalakad palang tao kaya nasalpok nito si Gan.
Tumilapon ang rider habang si Gan naman ay bumagsak ng malakas sa kalsada.
Agad na isinugod sa Romblon Provincial Hospital sina Gan at Cruz matapos magtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan.
Dinala naman sa pulisya ang motorsiklo ni Cruz para sa booking procedure at para rin sa gagawing masusing imbestigasyon ng pulisya.