Nalapnos ang balat ng isang pintor matapos makuryente nitong Huwebes ng umaga sa isang bahay sa Sitio Ipil sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon.
Kinilala ni Police Senior Inspector Gemmie Mallen, chief of Police ng Romblon Municipal Police Station, ang biktima na si William Poliarco, 31-anyos at residente ng Sitio Ilaya sa Brgy. Palje ng nabanggit na bayan.
Ayon sa kasamahan sa trabaho ni Poliarco na si Dennis Maaba, naglalatag sila ni Poliarco ng steel scaffolding sa pinagtatrabahuang bahay nang biglang sumabit umano sa live wire ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) ang hawak nilang steel scaffolding na naging resulta ng pagka kuryente ni Poliarco.
Kwento pa ni Maaba, nahulog pa umano ito mula sa 3rd floor ng bahay patungo sa bintana ng 2nd floor ng bahay.
Agad namang isinugod ang biktima sa Romblon District Hospital para bigyang lunas at kalaunan ayon sa report na nakarating sa Romblon News Network ay dinala ito sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan sa Tablas Island.
Patuloy na inoobesrbahan sa ospital ang lagay ni Poliarco.