Isang rider ang sugatan matapos na araruhin ang isa pang motorsiklo na nakaparada lang sa kalsada sa Barangay Libertad, Odiongan, Romblon nitong Sabado ng hating gabi.
Kinilala ni Police Senior Inspector Kenneth Ding Gutierrez, OIC-Chief of Police ng Odiongan Municipal Police Station, ang rider na si Jereme Dela Rosa Martos, 28-anyos, at residente ng Barangay Tulay ng parehong bayan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pagdating umano ni Martos sa bahagi ng kurbada sa Barangay Libertad malapit sa bahay ng mga Machon ay kinulang umano ang pagliko nito kaya dumiretso siya sa nakaparadang motorsiklo ni Randy Fabicon, 45.
Nagtamo ng injury si Martos kaya agad na isinugod sa Romblon Provincial Hospital ng mga nakasaksi.
Ayon sa pulisya, wala umanong lisensya si Martos at wala ring suot na helmet nang mangyari ang aksidente.
Patuloy na iniimbestigahan ng Odiongan Municipal Police Station ang pangyayari.