Dumating ngayong araw ang cruise ship na M/S Silver Shadow ng Silversea Cruises sa Romblon Island, Romblon para ipasyal sa marble capital ng Pilipinas ang mga sakay nilang bakasyunista galing sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang M/S Silver Shadow na may sakay na mahigit 300 turista at 295 na crew, ay dumating sa Romblon Island ngayong umaga at inaasahang walong oras sila magtatagal sa Romblon bago sila tumungo ng Puerto Princesa, Palawan.
Pinaghandaan naman ng Provincial Tourism Office at Municipal Tourism Office ng Romblon, Romblon ang pagdating ng M/S Silver Shadow, naglatag sila ng mga tours at mga pwedeng sakyan ng mga turista paikot ng Romblon Island.
Ang ilang mga turista, nabusog sa kakatingin ng mga magagandang marble carvings na benta sa Romblon Shopping Center. Nag enjoy naman ang iba sa mga white beach ng Romblon gaya ng Bonbon Beach at Tiamban Beach.
Ang M/S Silver Shadow ang unang cruise ship na dumaan sa Romblon ngayong taon at sa mga susunod na buwan ay may mga cruise ship ring dadaan sa probinsya.