Patay matapos malunod sa Bonbon beach sa bayan ng Romblon, Romblon ang isang electrician nitong hapon ng Araw ng Pasko.
Kinilala ng Romblon Police Provincial Office ang biktima na si Romel Dela Cruz Aguado, 51-taong gulang, at residente ng Barangay Capaclan, Romblon, Romblon.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nasa Bonbon beach si Aguado para manguha ng seashells sa dagat kasama ang tatlo niyang kaibigan na kinilalang sina Benjamin Barameda, 50-taong gulang; Peter Palomata, 48-taong gulang; at Jovel Jovellano.
Habang nasa dagat, nahilo umano si Barameda kaya sinubukang tulungan ni Aguado ngunit pagka-rescue ni Aguado bigla umano itong napulikat at nahirapang lumangoy nalunod ito.
Agad na tinulungan ni Palomata ang biktima at binigyan ng first aid ngunit wala na itong pulso.
Dinala ang biktima sa Romblon District Hospital ngunit idineklarang Dead on Arrival ng attending physician bandang 2:40 ng hapon.