Ang Rural Health Unit-Romblon, sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology – Romblon, ay nagsagawa ng Training on Food Safety para sa mga nagmamay-ari ng restaurant, karinderya, canteen, mga naglalako ng kakanin, mga tindera ng karne, isda, gulay at prutas.
Ito ay ginanap sa GSP Provincial Headquarters sa bayan ng Romblon simula Disyembre 5-7 na dinaluhan 388 katao.
Layunin nito na maturuan ang mga kalahok ng wastong paghawak ng pagkain upang mapanatiling sariwa, malinis at ligtas itong kainin para maiwasan ang posibleng food poisoning. Sinanay rin ang mga ito sa tamang pakikitungo sa kanilang mga parokyano at tamang pag-aayos sa sarili.
Sinabi ni Dr. Merly Valen H. Mallorca, Municipal Health Officer ng RHU Romblon, na napapanahon ang ganitong pagsasanay dahil sa papalapit na kapaskuhan at kapiyestahan ng kabisera ng Romblon upang matiyak na malinis ang ibinibentang pagkain sa costumer.
“Nagagalak kami sa dami ng lumahok at nakitang partisipasyon ng mga manininda sa tatlong araw na pagsasanay sapagkat malaki ang maitutulong nito sa kanilang paghahanapbuhay”, pahayag ni Mallorca.
Ang mga nagsilbing resource speaker sa pagsasanay ay sina Olga G. Eledia, Assistant Professor II sa Romblon State University – Main campus, Mae Angelica Fabito-Famini, Science Research Specialist II ng DOST-Romblon at John Ian Ace G. Diocadez, Technical assistant II ng DOST-Romblon.
Tinalakay ng mga ito sa mga maninindang kalahok ang usapin tungkol sa food safety and sanitation, food storage, food handling, proper hygiene, good grooming, personality development, customer service, tourism at financial literacy o savings.
Ayon sa mga lumahok sa food safety training, malaki ang pasasalamat nila sa pamahalaang lokal ng Romblon dahil marami silang natutunang paraan sa pagtitinda ng malinis na pagkain at maging ang maayos na pakikiharap nila sa mga customer.
Lahat ng mga nagsipagtapos ay napagkalooban ng sertipiko ng pagsasanay (certificate of training) na magagamit nilang pruweba sa pagkuha ng business permit sa Enero 2018. (DMM/PIA-IVB/Romblon)