Dead on the spot ang isang dating konsehal ng bayan ng Naujan, Oriental Mindoro, matapos pagbabarilin ng riding in tandem nitong Sabado.
Kinilala ang konsehal na si Wilson Adra Viray, 51-taong gulang, isang magsasaka at businessman.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Naujan Municipal Police Station, nagmamaneho pauwi ng Nissan Frontier ang konsehal kasama ang isang Ellie Gomer ng pagbabarilin ng dalawang naka-helmet na lalaki na sakay ng motorsiklo sa Sitio 5, Barangay Sampaguita ng nasabing bayan.
Nagtamo ng 13 gunshot wounds si Viray na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay habang hindi naman nagalusan ang kasama nitong si Gomer.
Nakuha naman sa pinangyarihan ng krimen ang anim na empty shells at dalawang slugs ng 45 caliber pistol.
Patuloy naman na nagsasagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Naujan Municipal Police Station upang mahuli ang mga suspek, gayon na rin para malaman ang dahilan ng pagpatay sa dating konsehal.