Aabot na sa lima (5) katao ang positibong tinamaan ng chikungunya virus sa isang barangay sa bayan ng Odiongan sa Tablas Island, Romblon nitong buwan ng Setyembre.
Ayon sa pinaabot na impormasyon ni Mayor Trina Firmalo-Fabic sa Romblon News Network, ang limang pasyente ay pawang mga residente ng Barangay Batiano.
Ipinagutos niya na rin umano sa mga barangay officials ang pag puksa sa mga tinitirhan ng mga lamok na nagdadala ng nasabing virus.
Gumaling na rin umano ngayon ang limang tinamaan ng nasabing sakit.
Ayon sa isang tinamaan ng virus na nakapanayam ng Romblon News Network, nakaramdam umano siya ng pananakit ng ulo, pananakit ng katawan at paa, at pagkakaroon ng rashes.
Payo ni Mayor Fabic, kung nakaranas ng mga parehong sintomas, agad silang lumapit sa mga barangay officials, health workers, o sa Romblon Provincial Hospital upang magamot.