Sugatan at nagtamo ng minor injury ang driver ng delivery truck at ng dump truck matapos na magsalpukan sa kasagsagan ng malakas na ulan sa bayan ng Odiongan, Romblon ngayong hapon.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, mabilis umano ang patakbo ng dalawang sasakyan at pagdating sa may kurbadang daan sa Barangay Batiano sa nasabing bayan, nagkasalpukan ang dalawa.
Nawasak ang harapan ng parehong sasakyan at tumapon sa kalsada ang mga basag na salamin ng dalawang sasakyan.
Agad namang isinugod ang dalawang driver sa Romblon Provincial Hospital para malapatan ng paunang lunas.
Ilang minuto ring naperwisyo ang mga motoristang pauwi na galing trabaho o eskwela matapos na humarang ang dalawang sasakyan sa kalsada.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nasabing salpukan.