by Dennis Manzo, Philippine Information Agency | Wednesday, 20 July 2016
Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Mimaropa Regional Office, sa pakikipagtulungan ng Romblon Fishery Office at ng Office of the Municipal Agriculturist Romblon, ay nagsagawa kamakailan ng Hands-on Technology on value added Surimi-Based Fishery Products Training sa kabisera ng lalawigan.
Ang naturang pagasasanay ay ginanap sa Romblon Plaza Hotel, Romblon, Romblon kung saan dinaluhan ito ng 37 Agricultural Extension Workers (AEWs) at mga maybahay ng mga mangingisda.
Layunin ng pagsasanay na mapakinabangan ang sobrang huli ng mga mangingisda sa pamamagitan ng pagproseso at paggawa ng mga produkto na mula sa isda na maaari nilang i-negosyo o gawing pangkabuhayan.
Nagsilbing resource person sina Sherryl Montesa at John Daviz De Chavez, parehong staff ng Fishery Post Harvest Management Division ng BFAR 4B kung saan kanilang itinuro sa mga dumalo ang paggawa ng fish balls, fish patty, fish turon, croquet surprise at fish kikiam.
Pagkatapos ng lecture ay aktwal na naghanda ng sangkap para sa mga gagawing produkto ang mga kalahok at iprinoseso ito bago niluto.