by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Wednesday, 25 November 2015
Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang bagong panuntunan nito na nag-aatas sa mga kukuha ng professional driver’s licence na kumuha muna ng clearance mula sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
Ang nasabing utos ay matapos kwestiyunin ni Senate Presidente Franklin Drilon at Senate Pro Tempore Ralph Recto ang nasabing polisiya sa isinagawang pagdining sa national budget ng Department of Transportation and Communication sa Senado.
Ayon kay Recto at Drilon ang nasabing polisiya ay pahirap lamang sa mga mamamayan.
Sinabi rin ni Recto na dapat lang suspendehin muna ito dahil delayed naman umano ang paglalabas ng mga plaka ng mga sasakyan pati na rin ang pagpapalabas ng mga driver’s license.
“Delayed na yung license plate, delayed na yung driver’s license, pahihirapan na naman natin yung ordinaryong nagmamaneho, naghahanapbuhay,” ani Recto.
Kinuwestiyon naman ni Drilon kung anong klaseng impormasyon sa mga pulis at NBI clearance ang magiging daan upang hindi mabigyan ng driver’s license ang isang kumukuha ng lisensiya.
“Will any kind of a pending case which appears in the NBI list disqualifies one from having license? Ano ho ba yung mga krimen o mga kaso na dahilan sa pendency na hindi na magkakaroon ng professional license?” ani Drilon.
Sabi naman ni DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya, nag mga krimen ay tungkol sa “crime against persons at property at moral certitude.”
Dahil hindi sapat para kay Drilon ang mga paliwanag na natanggap, iginiit nito sa DOTC na pansamantalang ipasuspinde sa LTO ang nasabing bagong polisiya.